Sa Kanlungan ng Dilim



Sa kanlungan ng dilim
Payapa ang pusong sa tuwina'y naninimdim
Walang liwanag ng agam-agam.
Walang mga matang nakatanaw.


Sa kanlungan ng dilim
Walang pamantayang dapat tupdin.
Hubad ang maskarang ngiti,
Walang saplot ng pagkukunwari.


Malayang mailalabas
Ang saloobing di maihayag.
Walang nakakasilaw na moralidad,
Walang nagmamagaling na pantas.


Pantay ang lahat,
Ang katotohana'y naipapamalas.
Ikaw at ang anino mo ay iisa,
Lahat ay may anyong hindi iba-iba.


Sa kanlungan ng dilim,
Tanging ang may tapang humarap sa sarili ang makakarating.
Silang hindi takot na ipikit ang hiram na tapang
Silang kayang matulog ng may ngiti ng kapayapaan.

Mga Komento

Kilalang Mga Post